Entry: Pagod Sunday, January 11, 2009



Napapagod na ako. Pagod sa trabaho. Pagod sa pamilya. Pagod sa relasyon. Bakit ba sa araw-araw na dumadaan lalo lang bumibigat ang loob ko.

Sa trabaho masaya naman ako, gusto ko ang ginagawa ko pero parang kulang lang talaga ang lakas ko. Hindi ko tuloy maibigay ang buo kong sarili sa mga estudyante ko. Kulang pa din. May sakit pa ako ngayong linggong ito kaya nalulungkot ako dahil wala akong magawa dahil katawan ko na ang sumusuko. Kasasabi lang sa amin kanina na may susunod akong klase pagkatapos nito, ok lang gusto kong marami akong ginagawa para mapagod ako at mas madali akong makakatulog. Kapag may pasok lagi kong binibilang ang mga araw para sabado na naman, para makapagpahinga naman ako. Pero pagdating ng sabado hinihiling ko na sana lunes na kasi gusto ko ng maubos ulit  ang oras ko. Ang gulo pero gusto kong mapagod para makapagpahinga muli.

Sa pamilya ko hindi ko na alam kung ano ang nangyayari. Hindi na nag-uusap ang mga magulang ko. Siguro pagod na din sila sa isa't isa. Hindi ko na makita ang pag-ibig sa kanilang dalawa, puro galit sa mga panahong nagkasama sila at sa mga nangyari nung hindi sila magkasama. Malabo nang magkabalikan ang kuya ko at ang asawa niya at hindi namin makita ang mga pamangkin ko dahil hindi kami pinapayagan ng nanay nila. Nilamon na ata siya ng kinang na binibigay ng pera, pero masaya ba siya sa ginawa niya sa pamilya niya. Siguro nagtatapang-tapangan lang siya pero alam kong nasasaktan din siya. Sa kapatid kong babae, malapit na ang araw na babalik sya para magbakasyon. makakapagpahinga na din sya pagkatapos ng dalawang taon ng pagtratrabaho. Sana maenjoy niya ang uwi nya, sayang hindi ko sya masasamahan kasi may trabaho ako.

Sa relasyon, meron nga ba, meron pa ba? Lagi nalang walang oras. Wala na akong maramdamang pagmamahal. Sabi dati ng pari sa simbahan namin kung magmahal ka dapat wala kang hinihintay na anumang kapalit, ibigay ang lahat at wag umasa sa kahit anuman. Napakagandang pakinggan kaso ang hirap isabuhay. Ang dami kong tanong, bakit lagi nalang ganito. Hindi ba talaga ako makakahanap ng taong mamahalin din ako. Siguro kasalanan ko din, masyado akong naghahanap kaya lalo lang akong nasasaktan dahil sa kakaasa ko. Pagod na naman ang puso ko. Gusto ko ng magpahinga, pero muli akong aasa dahil alam ko na may plano para sa akin. Sa ngayon bahala na muna, mabubuhay nalang ako sa bawat araw. Siguro dadating din ang tamang panahon na magiging masaya na din ako.

Kanina pag gising ko hindi ako kaagad bumangon, may hinihintay kahit alam kong hindi mangyayari. Ano nga ba ang hinihintay ko, siguro isang milagro. Naisip ko haharap nalang ako sa computer at isusulat ko kung ano ang nararamdaman ko ngayon. Naka-online din pala ang isa kong kaibigan sa opisina. Bilib ako sa kaniya, ang lakas ng pananampalataya niya. Pinagdasal niya ako, siguro nararamdaman niya din ang pagod ko. Pagkatapos ng dasal e naiyak ako. Ang dami ko nga sigurong prinoproblem sa buhay ko at nakakalimot na akong magkwento sa Kaniya. Pwede kong sabihin sa Kaniya kung ano ang nararamdaman ko, iniipon ko kasi lahat sa loob ko. Wala na kasi ako makausap e. Lagi nalang akong nag-iisip tuwing naglalakad ako, sa biyahe kong napakahaba. Iniisip ko ang buhay ko. Hindi na ako masaya. Pinipilit kong mangarap at ilipad ang isip ko sa ibang mundo. Sana isang araw makarating ako sa mundo na nabuo sa isipan ko. Ipipikit ko nalang muna siguro ang aking mga mata, at hihiling na sa aking pagmulat ibang mundo naman ang aking makikita. Sa mundong makakangiti na ulit ako at masasabi kong masaya ang buhay ko.

   0 comments

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments